Muling nakamit ng delegasyon ng Cagayan ang kampeonato sa katatapos na Cagayan Valley Regional Athletic Association(CaVRAA) Meet 2023 na ginanap sa Ilagan City, Isabela.

Sa awarding ceremony kahapon, itinanghal ang lalawigan ng Cagayan bilang over-all champion ng CAVRAA meet matapos makakuha ng 105-gold, 98-silver at 101 bronze medals.

Tinanghal naman bilang 1st runner up ang Isabela; 2nd runner up ang Nueva Vizcaya at 3rd Runner-up naman ang Santiago City.

Ayon kay Claire Lunas, Provincial Consultant for Education ng Cagayan, kapwa pinangunahan ng Division of Cagayan ang Elementary at Secondary Level sa regional na palaro.

Ang 5 araw na CAVRAA meet ay nilahukan ng mga atleta mula sa 5 lalawigan at 4 na lungsod ng Cagayan Valley na sumabak sa ibat-ibang sporting events.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isinagawang awarding ceremony ay pormal naman na ipinasakamay ng Ilagan City ang CAVRAA banner sa Cauayan City, Isabela bilang host sa susunod na CAVRAA 2024.

Ang nasabing sports meet ang siyang magiging batayan sa pagpili sa mga atleta na isasabak naman ng rehiyon sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Marikina City sa darating na Hulyo 29 hanggang Agosto 5, 2023.

Sinabi ni Lunas na ang mga gold medalist sa team sports gaya ng baseball, basketball, football, at iba pa ay sasabak sa bagong tier ng kompetisyon na Pre-Palaro na isasagawa sa Laoag City sa buwan ng Mayo.

Sa ilalim ng bagong format, ang mananalo sa Pre-Palaro sa pagitan ng Ilocos Region, Cagayan valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region ang magre-represent sa Cluster 1 para sa Palarong Pambansa 2023.

Isa sa mga layunin ng bagong edisyon ng kompetisyong ito na hindi makasagabal sa pag-aaral ng mga estudyante at maayos na maipatupad ang minimum public health and safety protocols.

Dagdag pa ni Lunas, ang mga individual events ay sasalain naman base sa standard time na natapos ang kanilang laro.

Samantala, ngayong Sabado ay nakatakdang isagawa ang welcome and congratulatory ceremony para sa mga delegado ng probinsya sa Cagayan sports complex.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Lunas si Governor Manuel Mamba sa suporta na kanyang ibinigay sa mga atleta sa paglaan ng P21.6-M para sa CAVRAA at Palarong Pambansa.