TUGUEGARAO CITY-Tinutugis na ng kapulisan ang driver ng trailer truck na nang-iwan sa kanyang nasagasaan na isang security guard sa bayan ng Alcala, kahapon, Agosto 9, 2020.
una rito, sinabi ni Plt. Floredie Reyes, Deputy chief of police ng PNP-Alcala, kasalukuyang binabaybay ng biktima na si Joeven Macaraeg 39-anyos, security guard at residente ng Brgy. Nangalisan, Solana, ang kahabaan barangay Tupang, Alcala nang masagasaan nito ang isang aso.
Nawalan nang kontrol sa manibela ang biktima na sanhi ng kanyang pagkatumba at nawalan ng malay sa gitna ng daan.
Ayon kay Reyes, napadaan ang trailer truck sa lugar kung saan nasagasaan nito ang biktima na nakahandusay sa gitna ng daan.
Sinabi ni Reyes na batay sa salaysay ng isang concerned citizen na siyang nakakita sa pangyayari,bumaba pa umano ang driver ng trailer at tinignan kung ano ang kanyang nasagasaan.
Ngunit, laging gulat nito ng muling pinaandar ng driver ang truck at tuluyang iniwan ang biktima sa halip na tulungan.
Dahil dito, agad tumawag ng tulong sa mga miembro ng kapulisan ang naturang concerned citizen.
Sinubukang dalhin sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead-on arrival ng umasikasong duktor.
Samantala,sinabi ni Reyes na palaisipan sa pamilya ng biktima kung saan nanggaling ang biktima at kung bakit ito nasa bayan ng Alcala.