
Walang naitalang pag-alis ng bansa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga international ports of entry at exit, ayon sa Bureau of Immigration (BI), sa gitna ng patuloy na operasyon ng mga awtoridad para siya ay mahanap.
Ayon sa BI, wala silang nakikitang anumang recent travel record ng senador sa pamamagitan ng mga paliparan at seaports na saklaw ng kanilang monitoring.
Patuloy din ang pagbabantay ng ahensya sa mga international entry at exit points sa bansa.
Nilinaw ng BI na limitado ang kanilang hurisdiksyon sa mga pangunahing ports, habang ang mga bay areas at iba pang posibleng daanan ay binabantayan ng local government units, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police.
Ang pahayag ay inilabas kasunod ng ulat ng PNP na nagpapatuloy ang paghahanap kay dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Nasa ilalim din siya ng Immigration Lookout Bulletin Order.
Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan habang isinasagawa ang operasyon para sa pagpapatupad ng warrant.









