
Kinuwestiyon ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ang tinatayang P206 bilyong pagbabago sa alokasyon ng panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 sa bersyon ng House of Representatives.
Ayon kay Ejercito, may malalaking pagbabago sa pondo kumpara sa National Expenditure Program, kabilang ang pagbabawas ng P130 bilyon para sa foreign-assisted projects, P9.5 bilyon sa calamity fund, P4.6 bilyon para sa flood mitigation structures sa mga pangunahing river basin, at pondo para sa mga programang pangkalusugan.
Nabawasan din umano ng P40.4 bilyon ang pondo para sa sektor ng transportasyon, kabilang ang P19.7 bilyon para sa Metro Manila Subway Project at P15 bilyon para sa North-South Commuter Railway.
Gayunman, may ilang programang nadagdagan ang pondo, kabilang ang P23.9 bilyon para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients ng Department of Health, P10 bilyon para sa tulong sa mga magsasaka at mangingisda, at karagdagang pondo para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways.
Sinabi ni Ejercito na kailangang malinawan ang mga dahilan at layunin ng mga pagbabago upang matiyak na mapupunta ang pondo sa mga programang higit na nangangailangan nito.
Hinimok din niya ang mga civil society organization at mga grupong nagbabantay sa paggasta ng pamahalaan na makilahok sa mga pagdinig at subaybayan ang proseso ng pag-apruba sa pambansang badyet.










