Isinusulong ni Senate Finance Committee Chair Senator JV Ejercito ang pagpasa ng Masterplan for Infrastructure National Development o MIND upang magkaroon ng pangmatagalang direksyon ang mga infrastructure project ng bansa at makatulong sa paglutas ng problema sa pagbaha.

Ayon kay Ejercito, makatutulong ang MIND sa pagtukoy sa mga flood-prone areas at pangunahing river basins na dapat unahing paglaanan ng flood control projects.

Layunin din nitong matiyak ang continuity ng mga polisiya at malinaw na hati ng responsibilidad ng mga ahensya ng gobyerno.

Giit ng senador, maaari rin itong makatulong sa pag-iwas sa korapsyon at mga iregularidad sa flood control projects dahil mas magiging malinaw kung saan dapat ilaan ang pondo at kung anu-anong proyekto ang prayoridad.

Hinimok din ni Ejercito ang DPWH na kumpletuhin ang mga hindi pa tapos na flood control projects at tugunan ang mga kakulangan sa kasalukuyang infrastructure system.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit niyang dapat malinaw sa publiko kung saan gagamitin ang P3.304-trilyong planong pangungutang ng pamahalaan para sa 2027.