Ipinunto ni Senador JV Ejercito na bilang author at principal sponsor ng Universal Health Care Act ay ipinaglalaban niya taun-taon na mabigyan ng malaking halaga ng pondo ang sektor ng kalusugan at PhilHealth.

Pero matapos ang naging viral post sa social media ng nabyudang asawa ni Marvin na si Maria Sulit, napatanong na lang si Ejercito kung ano pang saysay ng paglalaan ng bilyun-bilyong piso sa health sector at PhilHealth kung hindi naman pala ito magagamit ng mga gipit na Pilipinong nangangailangan.

Sa post ni Sulit, matatandaang nabanggit nito na nauwi na lang sa pagkamatay ang kanyang asawa dala ng hindi siya nakapagbigay agad ng P1 milyon deposit sa hospital.

Samantala, matapos nitong mamatay ay sinabi naman ng PhilHealth na hindi raw eligible ang kanyang asawa sa tulong dahil dahil na-hospital ito ng mas mababa pa sa dalawampu’t apat na oras.

Kaugnay nito, nanawagan ang senador sa Department of Health at maging PhilHealth na resolbahin agad ang kasong ito.

-- ADVERTISEMENT --

Anya, dapat lang ding tiyakin ng mga ito na hindi na ito mauulit pa sa ibang Pilipino.

Sa kabilang banda, sinabi ng senador na kung totoo na nagkaroon ng kondisyon sa isang pasyente na magdeposit muna ng pera bago makatanggap ng serbisyo mula sa hospital ay dapat lang itong maimbestigahan agad-agad.