
Nakahanda si Senador Jinggoy Estrada na gamitin ang lahat ng legal na remedyo matapos maglabas ang Sandiganbayan ng kautusan para sa kanyang 90-araw na preventive suspension kaugnay ng kasong graft na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Sa isang pahayag, sinabi ni Estrada na bukas siya sa lahat ng hakbang na pinahihintulutan ng batas upang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga paratang.
Binigyang-diin din ng senador na hindi niya gagamitin ang kanyang posisyon at mga pribilehiyo bilang miyembro ng Senado upang makaiwas sa mga alegasyon na ibinabato laban sa kanya.
Ayon kay Estrada, bago pa man ilabas ng Sandiganbayan ang suspension order ay gumawa na siya ng mga hakbang upang ipakita ang kanyang paggalang sa proseso ng batas at ang kanyang hangaring linisin ang kanyang pangalan sa tamang forum.
Aniya, nais niyang alisin ang anumang pagdududa sa kanyang layunin na sumunod sa due process at patunayan ang kanyang panig sa pamamagitan ng mga legal na proseso.
Kasalukuyang nahaharap si Estrada sa kasong graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
May nakabinbin din siyang magkahiwalay na kaso ng plunder at graft sa Sandiganbayan na may kaugnayan din sa naturang iskandalo.
Bukod dito, may 11 pang kasong graft laban sa senador na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na nakabinbin na mula pa noong 2014.










