
Nagpiyansa ng P90,000 si Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan upang pansamantalang makalaya kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Dumating ang senador sa Sandiganbayan kasama ang kanyang mga anak bago isinagawa ang proseso ng pagpiyansa.
Bukod sa kasong graft, nahaharap din si Estrada sa hiwalay na kasong plunder at isa pang graft case na nakabinbin sa anti-graft court.
Nauna nang naghain ang kampo ng senador ng urgent motion upang maibasura ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Noel Ostrea, hindi pa umano nila natatanggap ang kumpletong mga resolusyon mula sa Office of the Ombudsman at Department of Justice na nagsisilbing batayan ng mga kaso.
Iginiit ng kampo ni Estrada na hindi malinaw ang mga alegasyon laban sa kanya at wala umanong partikular na proyekto o insidenteng tinukoy sa mga reklamong isinampa.










