
Nakadetine na si Senador Jinggoy Estrada sa Quezon City Jail sa Payatas matapos arestuhin nitong Lunes sa bisa ng warrant na inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng kasong plunder.
Ayon sa ulat, boluntaryong sumama si Estrada sa mga awtoridad mula sa Senado at muling iginiit na wala siyang kinalaman sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan, dinala siya sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame para sa booking process, kabilang ang fingerprinting, mugshot at medical clearance.
Kasunod nito, iniharap siya sa Sandiganbayan Fifth Division na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng umano’y P573 milyong kickback mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bandang 8:07 ng gabi nang dumating ang convoy na sinasabing lulan ni Estrada sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan siya ngayon nakadetine habang kinakaharap ang kaso.










