
Inihambing ni Senador Robinhood Padilla ang kabataan ngayon sa kanyang henerasyon, at sinabing mas “mahina” umano ang mga bata sa kasalukuyan dahil sa labis na paggamit ng social media.
Ginawa ni Padilla ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na kanyang pinamumunuan, kaugnay sa panukalang Children’s Safety in Social Media Act.
Ayon sa senador, hindi umano katulad ng kanilang henerasyon ang mga kabataan ngayon dahil natuto raw sila noon sa karanasan at hindi agad sumusuko o umiiyak.
Dagdag pa niya, hindi aniya uso noon ang terminong “depression,” kumpara ngayon na maging mga bata ay nagsasabing sila ay depressed.
Binigyang-diin ni Padilla na marami sa kabataan ang nalululong sa social media at hindi na lumalabas upang makipaglaro at makipagkaibigan.
Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng batas na magreregula sa paggamit ng social media, lalo na para sa mga menor de edad.










