Hinimok ni Senator Robin Padilla ang mga kritiko ni Chinese Ambassador Jing Quan na personal itong kausapin upang maunawaan ang kaniyang panig, kasunod ng kontrobersiyal na mga pahayag nito kaugnay ng Pilipinas.

Inilarawan ni Padilla ang embahador bilang isang “edukadong gentleman” at iginiit na hindi umano ito nagbanta sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ng senador na mas mainam na personal na makipag-usap sa isang taong may isyu sa halip na umasa lamang sa mga komento at pahayag.

Gayunman, sinabi ni Padilla na naputol ang kanilang pag-uusap bago niya tuluyang maitanong ang tungkol sa mga kontrobersiyal na pahayag ng embahador.

Bago ito, kinuwestiyon ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang paglalarawan ni Padilla kay Jing Quan bilang edukado at maginoo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Tarriela, dapat ding isaalang-alang ang mga naunang pahayag ng embahador, kabilang ang komento nitong kung gagamit ng puwersa ang magkabilang panig, mananalo ang China at matatalo ang Pilipinas.

Binigyang-diin din ni Tarriela na personal na binigkas ni Jing Quan ang mga naturang pahayag, kaya hindi lamang ito usapin ng mga komentong nababasa sa publiko.