Magsasagawa ang Senate blue ribbon subcommittee ng motu proprio investigation sa pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela bukas, March 14.
Pangungunahan ni Senator Alan Peter Cayetano ang subcommittee hearing matapos na italaga siya ng kanyang kapatid na si Blue Ribbon chairperson Pia Cayetano.
Una rito, naghain si Alan ng proposed Senate Resolution 1322 na humihiling sa Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ng imbestigasyon sa pagbagsak ng nasabing tulay at busisiin ang proseso ng Department of Public Works and Highways sa paggawa ng public infrastructure, kabilang kung paano ang pagtugon ng ahensiya sa mga tiwali at abusadong contractors.
Tinukoy ni Alan sa kanyang resolusyon ang paulit-ulit na obserbasyon ng Commission on Audit sa DPWH sa technical defects at deficiencies sa kanilang infrastructure projects dahil sa kakulangan sa superbisyon at monitoring.
Si Alan ang sponsor ng annual budget allocations ng DPWH sa ilalim ng General Appropriations Act sa Senado.
Matatandaan na una na ring naghain ng hiwalay na resolusyon si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na humihiling ng imbestigasyon ng kaukulang Senate committee sa mga nangyayaring pagbagsak ng mga tulay sa buong bansa.
Layon ng imbestigasyon na mapanagot ang mga public officials, contractors, at iba pang partido na sangkot at para magsagawa ng assessment sa kasapatan ng kasalukuyang infrastructure policies.