Nangako si Acting Senate President Win Gatchalian sa mga Pilipino ngayong ika-128 Araw ng Kalayaan na pagsusumikapang isulong ang mga panukalang batas na magpapalaya sa mga kababayan.

Ayon kay Gatchalian, palaging sisikapin ng Senado na magsulong at magpasa ng mga makabuluhang panukalang batas na magpapalaya sa mga Pilipino mula sa kahirapan tulad ng dekalidad na edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at marangal na hanapbuhay.

Sinabi ni Gatchalian na hindi magiging lubos ang kalayaan sa bansa kung milyun-milyon sa mga kababayan ang nahahadlangan sa pagunlad dahil sa kahirapan.

Iginiit naman ni Senator Risa Hontiveros na kumilos ang gobyerno at maipadama ang kalayaan sa bawat tahanan at komunidad.

Dagdag ng senadora, patuloy na ilalaban ng Senado ang pananagutan sa bawat pisong pera ng bayan at babalikan ang mga panukala at solusyon na kailangan ng bansa ngayong panahon ng krisis.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman nawawalan ng pag-asa ang bayan para kay Senator Kiko Pangilinan na kung noon ay dugo ng mga ninuno ang naging kapalit sa pagiging malaya, ngayon binabayaran ng pawis at buwis ng mga Pilipino ang pagiging malaya sa kabila ng mga panghihimasok ng dayuhan at naranasang mga kalamidad.