
Nagsilbing inspirasyon para sa blood donor na si Jonard Cabana mula Cauayan City, Isabela ang naging karanasan ng kaniyang biyenan na kinailangang salinan ng dugo dahil sa dengue upang ipagpatuloy ang regular na pagdo-donate ng dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Cabana na nahirapan silang maghanap ng blood donor nang bumaba ang platelet count ng kaniyang biyenan noong kasagsagan ng pandemya.
Dahil dito, nangako siya sa Diyos na kung malalampasan ng kaniyang biyenan ang karamdaman, maglalaan siya ng panahon upang mag-donate ng dugo sa mga bloodletting activity.
Sa kasalukuyan, nasa ikaanim na beses na siyang nagdo-donate ng dugo, kabilang ang ikalimang pagkakataon sa Dugong Bombo.
Ayon kay Cabana, malaking bagay ang pagdo-donate ng dugo dahil isa itong paraan upang makatulong sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang suplay ng dugo.
Hinikayat din niya ang mga kwalipikadong indibidwal na makibahagi sa mga bloodletting activity at ibahagi ang kanilang dugo dahil maaari itong makapagligtas ng buhay.









