Posibleng maglabas ng resolusyon ang Senado kaugnay sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan dahil sa kaniyang mga pahayag hinggil sa Pilipinas at sa sigalot sa West Philippine Sea.

Ayon kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Linggo, pinag-uusapan na ng mga senador ang posibilidad na maglabas ng resolusyon, bagama’t wala pang pinal na desisyon hinggil dito.

Tinawag ni Ejercito na bastos, mapanlaban, at hindi naaayon sa diplomatikong ugnayan ang mga pahayag ni Jing, kabilang ang pahayag na kayang madaling talunin ng China ang Pilipinas sakaling gumamit ito ng puwersa.

Para sa senador, mas makabubuting palitan na ng Beijing ang embahador kung nais nitong mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa.

Samantala, hinamon naman ng Chinese Embassy ang mga mambabatas na ideklarang persona non grata si Jing, kasunod ng panawagan ng ilang opisyal ng Pilipinas na gawin ang naturang hakbang.

-- ADVERTISEMENT --

Ang persona non grata ay tumutukoy sa isang kinatawang itinuturing na hindi katanggap-tanggap sa bansang kaniyang pinaglilingkuran.