Personal na humarap sa Department of Justice ang magkapatid na Senators Mark at Camille Villar, maging si Manuel Paulo Villar, upang ihain ang kanilang counter-affidavit sa reklamong kinakaharap mula sa Securities and Exchange Commission.

Ito ang kanilang tugon sa preliminary investigation ng DOJ kaugnay ng reklamong market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na isinampa laban sa Villar Land Holdings Corp.

Layunin ng imbestigasyon na tukuyin kung may “probable cause” o sapat na basehan para magsampa ng kaso laban sa mga nasasangkot.

Bukod sa magkakapatid, kabilang din sa mga respondent ang kanilang mga magulang na sina Manny at Cynthia Villar, na naghain naman ng manifestation at motion na ituturing na rin ng DOJ bilang kanilang counter-affidavit.

Nauna ring nanumpa sa kanyang isinumiteng affidavit noong April 8 ang isa pang respondent na si Vigilio Villar.

-- ADVERTISEMENT --

Inaakusahan ang kanilang pamilya at ang kompanya sa umano’y pagpapalabas ng maling impormasyon at paggamit ng insider knowledge upang maimpluwensyahan ang galaw ng presyo ng kanilang shares.

Nauna nang nagpahayag ang pamilya na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon at naniniwalang mapatutunayang wala silang nilabag na batas.