Iminungkahi ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na magkaroon ng serye ng debate kasama si Senador Rodante Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay matapos magpanukala si Marcoleta na ang debate ay maging bukas sa legal, historical, at geopolitical na aspeto ng WPS — mas malawak kaysa sa iminungkahi ni Carpio, na nais munang limitahan ang paksa sa kung umiiral ba ang WPS sa ilalim ng batas ng Pilipinas at kung saklaw ng teritoryo ng bansa ang mga maritime feature sa naturang karagatan.

Ayon kay Carpio sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, masyadong malawak ang saklaw ng panukala ni Marcoleta. Ngunit kung nanaisin ng bagitong senador, maaari umano nilang isagawa ang debate sa ilang pagkakataon upang masaklaw ang lahat ng anggulo ng pinag-aagawang karagatan.

Para sa unang debate, aniya, dapat munang pag-usapan kung umiiral ba ang WPS sa ilalim ng batas ng bansa. Nanindigan rin ang dating mahistrado na kailangan ang debate ay may malinaw na “parameter” at hindi lamang nakabatay sa kung ano ang gusto nilang talakayin.

Kung matapos ang unang debate at mapag-usapan ang legal na batayan ng WPS, maaari na umanong pumili si Marcoleta ng nais niyang paksa para sa mga susunod na debate.

-- ADVERTISEMENT --