Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagdinig ang panukalang-batas na magpapalawig sa termino ng mga halal na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Aprubado ang House Bill No. 11287 o ang panukala na amiyendahan ang Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991 sa pamamagitan ng viva voce o voice voting.
Kung magiging ganap na batas, maaamiyendahan ang Section 2 ng Republic Act No. 7160, kung saan isasagawa ang susunod na Barangay at SK Elections sa ikalawang Lunes ng May 2029, habang ang mga nahalal na barangay official ay magsisilbi na ngayon ng anim na taong termino sa halip na tatlo.
Gayunman, kinuwestion ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang intensiyon ng panukalang-batas, kung saan tinanong niya kung ito ay nangangahulugan na walang nagagawang makabuluhan ang mga mambabatas dahil sa mayroon lamang silang tatlong taong termino, tulad sa mga barangay at SK officials.
Ayon sa kanya, kung sa tingin nila ay kulang ang tatlong taon na termino ng barangay officials para gampanan ang kanilang tungkulin, ay dapat na gawin din ito sa Kongreso.
Subalit sinabi naman ni Assistant Majority Leader and Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, magkaiba antas ng tungkulin ng mga barangay officials at mga kongresista.
Ayon kay Panaligan, iba sila sa Kamara dahil mayroon silang resources.
Sinuportahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasabing panukalang-batas, kung saan noong Agosto ng 2024, inihayag niya at iba pang kongresista na nagpanukala sila ng fixed term na anim na taon para sa barangay officials.
Sinabi ni Romualdez na layunin nito na matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo at mga proyekto at para protektahan ang barangay officials mula sa pamumulitika.
Sa Senado, naghain si Senator Aimee Marcos ng panukalang-batas na naglalayong palawigin ang termino ng barangay officials, dahil ang maiksing termino ng mga ito ay nakakasagabal umano sa kanilang tungkulin na bumuo at magpatupad ng kanilang sariling mga palisiya at mga proyekto.