
Matagumpay na na-repatriate ang siyam na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Iran kaninang umaga sa gitna ng kaguluhan sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ayon sa DFA , sila ang unang batch ng OFWs mula sa Iran na dumating sa bansa.
Naging posible ang repatriation sa mga nasabing OFW sa tulong ng Philippine embassies sa Tehran, Iran at Ankara, Turkiye sa pamamagitan ng land crossing at flights pabalik ng bansa.
Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy ang paghahanda ng pamahalaan para sa chartered flights para sa repatriation ng mga Pilipino pabalik ng bansa.
Sinabi ng Pangulo na bahagyang humupa ang sitwasyon sa Middle East, at may ilang flights sakay ang ilang Pilipino pabalik ng bansa.
Umaabot na sa mahigit 1,000 OFWs sa Middle East ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na bumalik sa ating bansa bunsod ng kaguluhan sa Middle East bunsod ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran.










