
Desidido si dating Senate President Vicente Sotto III na magsampa ng kasong libel at cyberlibel laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines na nag-akusa sa kanya ng pagtanggap umano ng kickbacks mula sa mga flood control project.
Ang mga naturang testigo ay humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes na pinangunahan ni Senador Rodante Marcoleta.
Ayon kay Sotto, inaasahang malilinaw sa Lunes kung maisasama rin sa kaso ang mga taong umano’y nag-udyok at nagdala sa mga testigo upang magbigay ng kanilang testimonya.
Samantala, sinabi ni dating Senate Blue Ribbon Committee chairman Senador Panfilo Lacson na maaari ring maharap sa mga kaso ang mga senador na nanguna sa naturang pagdinig.
Ayon kay Lacson, posibleng magkaroon ng pananagutang legal, kabilang ang cyberlibel, dahil sa aniya’y “bogus hearing,” at hindi maaaring gamitin ng mga lumahok na senador ang parliamentary immunity bilang depensa.
Binatikos din ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang isinagawang pagdinig dahil mayroon nang hiwalay na imbestigasyon ang kanyang tanggapan kaugnay ng mga alegasyon ng anomalya sa mga flood control project.










