
Kinuwestiyon ni dating congressman Mike Defensor ang basehan ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya, kay Senador Rodante Marcoleta, at sa mga negosyanteng sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray sa Sandiganbayan nitong Biyernes.
Sa isang facebook post, sinabi ni Defensor, na nakabatay ang kaso sa mga campaign donation at wala naman daw nanakaw mula sa public treasury, wala ring pabor na hiningi o tinanggap, at walang pondo ng gobyerno na nasangkot sa pagbibigay niya ng pera kay Marcoleta bago pa man magsimula ang campaign period noong 2025 midterm elections.
Tanong ng dating kongresista, “Ano na ba talaga ang pamantayan ng batas ngayon?”
Iginiit niya na kung campaign donations ang magiging batayan ng kasong plunder, dapat aniya ay pareho ang pamantayang ipinatutupad sa lahat.
Binanggit niya ang mga donasyong ibinigay nina Special Assistant to the President of the Philippines Anton Lagdameo Jr., PCSO General Manager Mel Robles, at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na kalaunan ay naitalaga sa matataas na posisyon sa gobyerno.
Ayon kay Defensor, hindi niya sinasabing iligal ang mga ito, pero kung iimbestigahan ang isang kaso batay sa campaign donations, dapat aniya ay pareho ang pagtrato sa lahat.
Iginiit din ng dating kongresista na haharapin niya ang kaso sa korte dahil wala umano siyang itinatago o kinatatakutan.
Dagdag pa niya, hindi siya matatahimik ng mga kasong isinampa laban sa kanya at ipagpapatuloy niya ang pagbubunyag sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.









