Hinikayat ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga senador na kumilos at alamin kung sino ang nasa likod ng mga memes at caricature na kumakalat sa social media na nag-aakusa sa kanila ng umano’y pagpanig sa China.

Ayon kay Sotto, kung labis na nakasasakit para sa mga mambabatas ang pagtawag sa kanila bilang “Chinador,” nararapat lamang na tukuyin at panagutin ang pinagmulan ng naturang mga online post.

Kabilang sa mga kumakalat na content sa social media ang pagbibigay ng mga pangalang tunog Chinese sa walong senador mula sa minorya at isang senador mula sa mayorya. Mayroon ding mga larawan kung saan inilagay ang mga mukha ng ilang mambabatas sa loob ng 9-dash line ng China sa mapa ng West Philippine Sea.

Ang mga tinutukoy na senador ay sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senators Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at mula sa mayorya ay si Sen. Pia Cayetano.

Pinayuhan ni Sotto ang kanyang mga kasamahan na alamin kung sino ang nag-upload at nagpakalat ng naturang mga materyal, sa halip na palampasin lamang ang isyu.

-- ADVERTISEMENT --

Inamin din ng Senate President na personal siyang nasasaktan kapag may mga kapwa Pilipino na tila hindi kumakampi sa sariling bansa, lalo na sa usapin ng soberanya sa West Philippine Sea.

Matatandaang hindi lumagda ang siyam na senador sa isang resolusyon na kumukundena sa pagbatikos ng Chinese Embassy laban sa ilang senador at opisyal ng pamahalaan na hayagang nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.