
Itinanggi ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na nagpapakita ng pagkampi sa China ang pahayag nitong “troublemaker” ang Pilipinas.
Ayon kay spokesperson Paolo Panelo, ang konteksto ng pahayag ni Duterte ay ang pagkakasabat sa Laos ng iligal na droga na umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas.
Sinabi ni Panelo na ginamit umano ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pahayag ng bise presidente sa kaniyang mga pahayag laban sa China.
Una nang pinuna ni Teodoro ang komento ni Duterte at iginiit na ang China ang tunay na “troublemaker.”
Tinawag naman ni Panelo na pamumulitika ang tugon ng kalihim. Aniya, ang mga ordinaryong Pilipino at negosyong umaasa sa ugnayan sa China ang maaaring maapektuhan kapag ginagamit sa pulitika ang usapin.
Samantala, itinanggi rin ni Panelo ang mga alegasyong tumanggap ng pera mula sa China si Duterte at ang kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon.
Kinilala ni Panelo na may donasyon umano ang pamahalaang Tsino sa Tapang at Malasakit Foundation, kung saan isa sa mga trustee ang bise presidente. Gayunman, iginiit niyang hindi nangangahulugang awtomatikong sinusuportahan ng China si Duterte ang naturang donasyon.
Iminungkahi rin niyang maaaring ginamit ang pondo para sa pagtatayo ng mga silid-aralan o iba pang gawaing pangkawanggawa.










