
Nagbitiw na sa puwesto bilang Punong Ministro ng United Kingdom si Keir Starmer, habang kinumpirma naman ni Andy Burnham na tatakbo siya upang maging susunod na lider ng Labour Party at kapalit ni Starmer sa pamahalaan.
Sa isang emosyonal na talumpati sa labas ng Downing Street, pinasalamatan ni Starmer ang kaniyang asawa na si Victoria at sinabi niyang nais niyang mas mabigyang panahon ang kaniyang pamilya at maging pinakamahusay na ama para sa kaniyang mga anak.
Kasunod nito, inanunsyo ni Burnham ang kaniyang kandidatura para sa liderato ng Labour Party.
Nagpahayag din ng suporta si dating Health Secretary na si Wes Streeting kay Burnham.
Si Streeting ay dati ring nagpahiwatig ng planong tumakbo sa anumang leadership contest ngunit umatras upang suportahan ang kandidatura ni Burnham.
Ayon kay Starmer, mananatili muna siya bilang punong ministro hanggang sa makapili ang Labour Party ng bagong lider.
Inaasahang matatapos ang proseso bago magbalik ang Parliament sa Setyembre, o mas maaga pa kung magkakaroon lamang ng isang kandidato at walang magiging labanan sa loob ng partido.
Dahil sa maagang pag-endorso ng ilang matataas na opisyal ng Labour kay Burnham, lumalabas na siya ang pangunahing inaasahang hahalili kay Starmer sa pamumuno ng partido at ng pamahalaan ng United Kingdom.








