Umingay ang isang kandidato sa pagka-prime minister sa Thailand matapos niyang isulong ang panukalang payagan ang kababaihan na magkaroon ng hanggang apat na asawa bilang bahagi umano ng pagsusulong ng gender equality.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Mongkolkit Suksintharanont, lider ng Thai Alternative Party, na kung tunay na sinusuportahan ng lipunan ang pagkakapantay-pantay ng kasarian, dapat ding pahintulutan ang mga babae na magpakasal sa maraming lalaki, basta’t may pahintulot ang lahat ng sangkot.

Agad na naging usap-usapan sa social media ang naturang mungkahi at muling nagbigay-pansin sa politiko na kilala sa kanyang mga hindi pangkaraniwan at kontrobersiyal na panukala.

Ayon sa Thai news outlet na Khaosod English, kabilang sa mga nauna niyang iminungkahi ang pagtatatag ng isang Thai “space force” sa loob lamang ng isang buwan kapag siya ay nanungkulan, pagbibigay ng salapi sa mga kababaihan upang mahikayat ang mas mataas na birth rate, at pag-uugnay ng salary increase sa mandatoryong araw-araw na pag-eehersisyo ng mga manggagawa.

Lumabas ang kontrobersiyal na pahayag habang naghahanda ang Thailand para sa nakatakdang general election sa Pebrero 8, kung saan maaaring magtalaga ang bansa ng panibagong prime minister sa ikaapat na pagkakataon sa loob lamang ng tatlong taon.

-- ADVERTISEMENT --