Nakataas na ang storm signal no. 1 sa ibang bayan sa Cagayan bunsod na rin ng bagyong “Carina”

Ayon sa PAGASA, ang mga nasa storm signal no. 1 ay mga bayan ng Baggao, Lallo, Gonzaga, Sta. Ana at Sta. Teresita.

Signal no. 1 na rin sa Batanes at Babuyan Group of Islands.

Sa ngayon ay nakakaranas na ng malalakas na pag-ulan ang lungsod ng Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nagbabala ang mga kinauukulan sa Cagayan sa mga residente na nasa low lying areas, nasa paanak ng mga bundok at sa tabing-dagat dahil sa posibleng mga pagbaha at landslides kung patuloy ang paglakas ng ulan.

Ang bagyo ay huling namataan sa layong 315 kilometers east ng Tuguegarao City.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na 55 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometers bawat oras sa direksyong pa-kanluran.

Ayon sa PAGASA, ngayong araw, ang bagyo ay maghahatid na ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Babuyan Islands at sa eastern section ng mainland Cagayan at Isabela.

Mahina hanggang katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, nalalabi bahagi ng Cagayan Valley, Aurora, at northern portion ng Quezon kabilang ang Polillo Islands.

Inaasahang tatawid ang tropical depression Carina sa northeastern portion ng Cagayan at Babuyan Islands sa pagitan ng gabi mamaya hanggang bukas ng umaga.