
Hindi naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order may kaugnayan sa petisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald dela Rosa na inihain na humihiling na pagbawalan ang mga ahensiya ng pamahalaan na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) at sa imbestigasyon nito sa war on drugs.
Sa statement, sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting, nabigo ang kampo ni Duterte na patunayan ang malinaw at walang pagkakamali na karapatan para sa paglalabas ng TRO.
Gayunman, sinabi ni Ting na inatasan ng SC ang respondents na magbigay ng komento sa petisyon para sa TRO at writ of preliminary injunction sa loob ng 10 araw nang matanggap ang notice.
Samantala, sinabi ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan na ang pag-aresto kay Duterte ay isang mahalagang pagkakataon para sa mga umano’y biktima ng war on drugs.
Ayon kay Khan, ang katotohanan na may inilabas na warrant of arrest ang ICC laban kay Duterte ay mahalaga para sa mga biktima.
Sinabi niya na marami ang nagsasabi na mahina ang international law, subalit kung nagkakaisa ang lahat, mananaig pa rin ang rule of law.