Himala na maituturing na nakaligtas sa kapahamakan ang mga pasahero ng tatlong sasakyan na sangkot sa karambola noong gabi ng Lunes sa bayan ng Iguig, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Catherine Bañarez, deputy Chief of Police ng PNP-Iguig na nasa stable na rin ang kalagayan ng 14-anyos na babae na nag-iisang pasaherong isinugod sa ospital matapos magtamo ng kaunting sugat sa ulo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP-Iguig na tinatahak ng Hyundai Tucson na minaneho ni Anthony Pagulayan, 27-anyos, magaaral, sakay ang isang pasahero mula sa bayan ng Aparri ang kahabaan ng national highway patungong Tuguegarao City at ng makarating sa Brgy Ajat ay nag-overtake ito sa sinusundang Toyota hilux na minaneho ni Christopher Domingo, government employee mula sa bayan ng Gonzaga, sakay ang isa rin pasahero.
Sinabi ni Bañarez na sa pag-overtake ni Pagulayan ay nakasalubong nito ang Toyota Vios na minaneho ni Cristian Ballad, 30-anyos, sakay ang tatlong iba pa mula sa bayan ng Amulung kung kaya pinilit niyang pumagilid sa shoulder ng lansangan ngunit nagpang-abot pa rin ang mga ito dahilan upang bumaligtad ang SUV.
Nahagip naman ng kotse na minaneho ni Ballad ang likurang bahagi ng pick-up.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang batang pasahero ni Ballad na nasugatan sa ulo habang ang ilan sa mga pasahero ng tatlong sangkot na sasakyan ay nagtamo ng kaunting mga sugat sa kanilang katawan at hindi na kinailangang isugod pa sa pagamutan.
Nabatid na madulas ang lansangan ng mangyari ang aksidente dakong alas 8:20 ng gabi dahil sa naranasang pag-ulan.
Sa ngayon ay nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng mga sangkot na sasakyan at ipinagpasalamat nila na ligtas ang lahat sa kabila ng nanyaring aksidente.