Naitala ang anim na pagyanig sa Taal Volcano sa Batangas sa nakalipas na 24 oras.
Sa bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dalawang volcanic tremors na tumagal ng pitong minuto na may kasamang pagyanig ang naitala kahapon.
Buhat noong July 6, nakapagtala ang Taal Volcano Network na matatagpuan sa Taal Volcano Island, na nasa gitna ng Taal Lake at tinatawag na “Pulo,” ng pagtaas sa real-time seismic energy measurement.
Ipinaliwanag ng ahensiya na ang volcanic earthquakes ay mula sa mga aktibong bulkan.
Ang volcanic tremors naman ay tuloy-tuloy na seismic signals na regular o hindi regular na wave patterns at mababang frequencies.
Sa 24 oras na pagbabantay, iniulat ng Phivolcs na naglabas ang bulkan ng 1,538 metric tons ng sulfur dioxide na nagsimula noong July 9.
Nagluwa din ang bulkan ng plumes na 1,500 meters ang taas, kung saan itinuturing ito ng Phivolcs na “voluminous emission.”
Gayunpaman, wala pang naitatala na pag-akyat ng mainit na volcanic fluids sa main crater ng lawa ng bulkan.
Wala ring naobserbahan na smog o “vog” sa pinakahuling monitoring period.
Dahil dito, posibleng maapektohan ang isinasagawang paghahanap ng technical divers ng Philippine Coast Guard sa mga nawawalang sabungero, na ayon kay Julie Patidongan ay doon itinapon.