
Nagmahal ang ilang water activities at seafood sa Boracay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa mga operator, napilitan silang magtaas ng singil upang mapanatili ang operasyon at matugunan ang gastusin, lalo na sa fuel. Ang power sailing na 15 minuto ay tumaas na sa P2,000 mula P1,800, habang ang 30 minutong jet ski ride ay nasa P4,000 na mula P3,800.
Malaki rin ang itinaas ng diesel, kung saan ang dating P1,100 para sa 20 litro ay lumagpas na sa P2,000. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagdating ng mga turista sa isla.
Tumaas din ang presyo ng seafood, kabilang ang alimango na umakyat mula P800 hanggang P1,100 kada kilo, at lobster na nasa P2,300 hanggang P3,500 kada kilo. May dagdag na rin na humigit-kumulang P200 kada kilo sa ibang isda tulad ng lapu-lapu at tanigue.
Samantala, ipatutupad ang P10 na dagdag pasahe sa sea transport papunta at pabalik ng Boracay simula Abril 16, na pansamantala lamang ayon sa lokal na pamahalaan.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaang lokal ang anumang hindi awtorisadong pagtaas ng presyo sa isla.










