Nalibing nang buhay ang tatlong minero habang nasugatan ang 16-anyos na lalaki matapos na bumagsak ang 100-meter na guho ng lupa at natabunan ang kanilang barong-barong sa Camp 5, Acupan, Virac, Itogon, Benguet noong gabi ng Linggo.

Sinabi ni Mayor Bernard Waclin, natutulog ang mga biktima sa kanilang barong-barong nang magkaroon ng landslide na posibleng bunsod ng malalakas na mga pag-ulan sa nasabing araw.

Ayon sa mga saksi, biglang nagkaroon ng erosion sa taas na bahagi ng dalisdis sa taas ng barong-barong ng mga biktima na nagresulta sa nasabing landslide kung saan natabunan ang mga biktima.

Nakaligtas ang binatilyo sa nasabing trahedya at nagawang humingi ng tulong sa barangay.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang Itogon Municipal Police Station, Itogon Municipal Fire Station, Itogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, mga residente at mga volunteers.

-- ADVERTISEMENT --

Inabot ng dalawang oras bago natagpuan ang mga labi ng mga biktima na agad na dinala sa Benguet Corporation medical clinic, subalit idineklara silang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Kinilala ang mga biktima na sina Joemarie Alila Tigibon, 30, Jomer Alila Tigibon, kapwa pocket miners at tubong Donsol, Sorsogon at Ramil Padseco, 24, isa ring pocket miner at tubong Atok, Benguet.