Nasawi ang tatlong paslit na magkakapatid matapos silang ma-trap sa loob ng kanilang nasusunog na tahanan sa Brgy. Mambaling, Cebu City kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Cebu City Fire Station, nakilala ang mga nasawing biktima bilang sina Sachna Lexy Siaboc, 6 years old; Razan Kyle, 4 years old; at Lexy, 3 years old.

Agad na rumesponde ang mga bumbero matapos makatanggap ng ulat tungkol sa nangyayaring sunog sa Sitio Avocado, Brgy. Mambaling.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa isang dalawang palapag na bahay na pag-aari ni Junrel Abella at inuupahan ng ilang mga indibidwal, kabilang ang pamilya ng mga biktima.

Idineklarang “fire under control” ang sunog bandang 9:41 AM, at naapula ng mga bumbero sa ganap na 11 AM.

-- ADVERTISEMENT --

Aabot sa 20 kabahayan na yari sa light materias ang nadamay sa sunog, at tinatayang P750,000 ang halaga ng pinsala dulot ng sunog.

Sa pagsisiyasat ng mga bumbero, natagpuan ang mga katawan ng magkakapatid na magkakayakap sa loob ng kanilang tahanan, na siyang pinagmulan ng apoy na mabilis kumalat sa mga katabing kabahayan.

Ang tatlong bata na nasawi sa sunog ay naiwang mag-isa, dahil nagtatrabaho ang kanilang ina habang ang kanilang ama ay umalis upang kunin ang kanyang e-bike.