Isinasagawa na ang mga legal na hakbang laban sa isang 16-anyos na lalaki na pumatay sa tatlong taong gulang na babae sa Barangay Nuing, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Ayon sa Jose Abad Santos Municipal Police Station, nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang suspek habang inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanya.

Sinabi ng pulisya na nakita ang wala nang buhay na batang babae na may mga sugat sa kanyang katawan malapit sa hurno sa Sitio Narra.

Ayon pa sa mga pulis, wala ring saplot ang bata nang siya ay makita.

Batay sa salasay ng 10 taong gulang na kamag-anak ng biktima, nakita niya ang suspek, ang kuya ng bata, na umano’y ay lasing nang dinala niya ang kapatid sa hurno, tinatayang 40 metro mula sa kanilang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Ilang sandali lamang ay nakarinig ang saksi ng sigaw, at nang tunguhin nila ang pinanggalingan ng sigaw, nakita ang bata na may mga sugat at nagdurugo.

Agad na inalerto ang ina ng bata at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay, subalit hindi na gumagalaw ang biktima.

Hinuli ng mga barangay tanod ang suspek na pinaniniwalaan nilang gumamit ng illegal substance nang mangyari ang insidente.