Binatikos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Chinese Embassy sa Maynila matapos itong magpahayag ng pagkabahala sa sunod-sunod na pag-aresto sa mga Chinese nationals sa Pilipinas, at inakusahan ang Beijing ng pagiging “hindi tapat at mapagkunwari” sa pakikitungo nito sa bansa.

Ayon kay Teodoro, ipinakikita ng naging pahayag ng embahada ang tunay na intensyon ng Chinese Communist Party sa pakikitungo sa Pilipinas, kasabay ng pagpuna sa aniya’y “mapanlinlang na pagkukunwaring nagagalit” ng China.

Nauna rito, hiniling ng Chinese Embassy sa pamahalaang Pilipino na ipaalam sa kanilang diplomatic mission sa loob ng apat na araw ang anumang pag-aresto o pagdetine sa Chinese nationals, alinsunod sa umiiral na bilateral consular agreement ng dalawang bansa.

Nanawagan din ang embahada na tiyaking patas ang paghawak sa mga kaso, palayain ang mga walang paglabag sa batas, at iwasan ang umano’y “selective at discriminatory law enforcement” laban sa mga Chinese.

Iginiit naman ni Teodoro na hindi dapat paniwalaan ang mga pahayag ng China at tiniyak na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya at pagpapatupad ng sariling mga batas.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin pa ng kalihim na hindi magpapasindak ang bansa sa anumang uri ng panggigipit mula sa ibang estado.