Tinawag ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na banta ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na mananaig ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.

Ayon kay Teodoro nitong Biyernes, Oktubre 16, kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of National Defense ang pahayag ng diplomat, na aniya’y hindi basta nadulas lamang kundi may seryosong mensaheng ipinahihiwatig.

Sinabi ng kalihim na bagama’t nagpahayag ang Chinese envoy ng kagustuhang mapanatili ang kapayapaan, sinabi rin nitong matatalo ang Pilipinas kung gagamit ng puwersa ang China.

Para kay Teodoro, malinaw na nakapaloob dito ang pananakot sa bansa. Gayunman, iginiit niyang hindi dapat pairalin ang takot sa pagharap sa ganitong sitwasyon.

Posible rin umanong may kaugnayan ang mga pahayag sa mga hakbang ng mga awtoridad ng Pilipinas laban sa mga ilegal na aktibidad na iniuugnay sa ilang Chinese national, kabilang ang operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator, pekeng bakal, ilegal na pagmimina at human trafficking.

-- ADVERTISEMENT --

Tungkol naman sa komunikasyong militar sa pagitan ng Pilipinas at China, sinabi ni Teodoro na tatlong taon nang nakasara ang mga naturang linya dahil hindi na umano ito kapaki-pakinabang sa panig ng Pilipinas.

Idinagdag niyang walang Visiting Forces Agreement o kasunduang katulad nito sa pagitan ng dalawang bansa na magsisilbing batayan ng naturang ugnayang militar.

Patuloy na nananatiling mainit ang relasyon ng Maynila at Beijing dahil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea. Sa kabila ng 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas, hindi kinikilala ng China ang desisyon at patuloy nitong inaangkin ang malaking bahagi ng pinagtatalunang karagatan.