
Tinawag ng Iran na “hindi makatotohanan, hindi lohikal at labis” ang mga panukala ng Estados Unidos upang wakasan ang isang buwang digmaan sa Gitnang Silangan, habang nagpapatuloy ang pagpapalitan ng missile at drone strikes sa pagitan ng mga panig.
Nagpakawala muli ng mga missile ang Iran laban sa Israel, habang sumali na rin sa labanan ang mga Houthi rebels ng Yemen at Hezbollah ng Lebanon, na lalo pang nagpapalala sa tensyon sa rehiyon.
Ayon sa militar ng Israel, nagsagawa sila ng airstrikes sa Tehran at sa mga target ng Hezbollah sa Beirut.
Samantala, may dalawang drone mula Yemen na kanilang na-intercept.
Nagbabala si US President Donald Trump na dapat buksan ng Iran ang Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis—o haharap ito sa posibleng pag-atake ng US sa energy facilities nito.
Sa kabila ng mga ulat ng posibleng negosasyon, iginiit ng Iran na nakatuon ito sa depensa laban sa umano’y agresyon militar. Sinabi rin nitong pinag-aaralan ang pagkalas sa Nuclear Non-Proliferation Treaty.
Dahil sa lumalalang tensyon, sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kung saan umabot sa halos $115 kada bariles ang Brent crude.
Lumawak na ang labanan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, na nagdulot ng libu-libong nasawi at matinding epekto sa suplay ng enerhiya at pandaigdigang ekonomiya.
Patuloy ang pangamba sa mas matinding eskalasyon ng digmaan habang tila malabo pa ang agarang kasunduan sa pagitan ng mga sangkot na bansa.










