
Umaasa ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na itataas ng pamahalaan sa P15 kada litro ang fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) mula sa kasalukuyang P10 kada litro.
Ayon kay ALTODAP President Melencio “Boy” Vargas, mas nais ng kanilang grupo ang mas mataas na fuel subsidy kaysa sa panukalang P1 taas-pasahe.
Aniya, isinailalim sila sa konsultasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) hinggil sa dalawang opsyon.
Hiniling din ng ALTODAP na palawakin ang implementasyon ng fuel subsidy sa buong bansa upang makinabang ang mas maraming tsuper at operator.
Samantala, inaasahan ang panibagong malaking taas-presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan posibleng tumaas ng P6 hanggang P6.50 kada litro ang diesel at P5.50 hanggang P6 kada litro ang gasolina.










