Nasangkot sa karambola sa Brgy. Calog Sur, Abulug, Cagayan ang sasakyan na lulan ang tatlong Amerikanong sundalo na makikiisa sa Baliktan Exercises 2024.

Ayon kay PMAJ Antonio Palattao, COP ng Abulug Police Station, kasalukuyang binabagtas ni Jeffrey Guanzon na tubong Tondo Manila ang kahabaan ng Maharlika Highway gamit ang isang truck na lulan ang tatlong dayuhan na makikiisa sa Balikatan Exercises at mga kagamitan na gagamitin sa nasabing aktibidad nang bigla na lamang itong mawalan ng preno dahilan upang bumangga ito sa nasa harapang kotse na minamaneho ni Salvador Espiritu, residente ng Centro, Baggao.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nabangga rin ng kotse ang nasa harapan na isang van na minamaneho ni Francis Rey Pantaleon na residente sa Bulacan.

Base sa imbestigasyon ay parehong tinatahak ng mga ito ang kalsada patungong Ilocos Norte kung saan galing sa Sta. Ana ang truck at van habang ang kotse ay patungo naman sa Claveria.

Napag alaman na magkasama ang van at truck na parehong inarkila lamang upang ihatid ang mga kagamitanpara sa Balikatan exercise kasama na ang talong Amerikanong sundalo na sina Vincent Arnuco, Christopher Swanson at Lawrence Evan na pawang residente sa California, USA.

-- ADVERTISEMENT --

Mechanical error naman ang nakikitang dahilan ng pagkawala ng kontrol sa manibela ni Guanzon sa minanehong truck kung saan masuwerte namang walang nagtamo ng malubhang sugat o pinsala sa mga sakay ng mga sangkot sa karambola.

Sa ngayon ay nagkaroon na ng pag uusap ang mga sangkot sa insidente kung saan ay sasagutin ni Guanzon ang magagastos para sa pagsasaayos sa mga nasirang bahagi ng van at kotse.