Nilinaw ni US President Donald Trump na hindi seryoso ang naging pahayag niyang maaaring italaga si Ultimate Fighting Championship (UFC) CEO Dana White bilang susunod na White House press secretary.

Sinabi ni Trump nitong Linggo na biro lamang ang kaniyang mungkahi at katuwaan ang paglalathala niya ng mga larawan ng ilang UFC fighters na maaari umanong maging mga assistant ni White.

Nauna rito, iminungkahi ni Trump na dalhin ni White ang ilang kasalukuyan at dating UFC champion upang tumulong na ipagtanggol ang administrasyon laban sa tinawag niyang “Lunatic Left.”

Matagal nang malapit na kaalyado ni Trump si White at tumulong ito sa pagpapakilos ng suporta para sa kaniyang kampanya noong 2024 presidential elections. Inaasahan ding magkikita sila sa White House sa Lunes, bagama’t sinabi ni Trump na iba ang dahilan ng naturang pagpupulong.