Inilunsad ng White House ang live broadcast platform sa YouTube na tinawag na “TRUMP TV: The Essentials Station,” ilang araw matapos pagbawalan ni U.S. President Donald Trump ang ilang media outlets na makapasok sa White House press pool.

Ipinagbawal ang CNN, MS NOW at Politico sa White House noong Biyernes, Setyembre 18, matapos akusahan ni Trump ang mga ito ng pag-uulat umano ng “fiction and lies” tungkol sa kanyang administrasyon.

Ayon sa White House, layunin ng “Trump TV” na direktang makapaghatid ng impormasyon sa publiko at maiwasan ang “fake news” media outlets.

Sinimulan ang unang broadcast ng bagong platform sa pamamagitan ng recording ng talumpati ni Trump sa Mount Rushmore para sa pagdiriwang ng ika-250 anibersaryo ng Estados Unidos.

Samantala, binatikos naman ito ng ilang kritiko at inilarawan bilang pagtatangka ng administrasyon na magtatag ng “state media.”

-- ADVERTISEMENT --

Depensa naman ng White House, hindi umano nagbibigay ang First Amendment ng permanenteng press pass, puwesto sa briefing room, o awtomatikong puwesto sa presidential press pool sa mga media organization.

Iginiit nitong hindi na bago ang paghihigpit sa access ng media, at binanggit ang ilang insidente noong administrasyon nina dating U.S. Presidents Barack Obama at Joe Biden kung saan nakaranas din umano ng katulad na restrictions ang ilang news outlets at journalists.