
Masiglang ipinagdiwang ng Tuguegarao City ang Chinese New Year, bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ng Filipino-Chinese community sa lungsod.
Ayon kay Mayor Maila Ting Que, isa ang Tuguegarao sa may pinakamalaking Filipino-Chinese community sa Cagayan Valley Region, na aktibong sumusuporta sa mga programa ng lungsod sa pamamagitan ng donasyon at pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Sa pagdiriwang, nagkaroon ng dragon dance para itaboy ang malas at salubungin ang bagong taon, habang dinagsa ang Bonifacio Street kung saan tampok ang mga pagkaing Tsino.
Tuloy-tuloy ang mga aktibidad hanggang Pebrero 18.
Bukod dito, inanunsyo rin ang “Kasalan ng Bayan” sa Pebrero 28 at ang pagdiriwang ng Women’s Month sa Marso, kasama ang MOA signing at groundbreaking ng ibat-ibang proyekto.










