Ibabalik uli sa pinakamahigpit na lockdown ang Tuguegarao City, Cagayan dahil sa lumalalang kaso ng COVID-19 simula 12:01 ng madaling araw ng Huwebes, August 12, 2021 hanggang hatinggabi ng August 21, 2021.

Matatandaan na hiniling ng pamahalaang panlungsod sa Regional Interagency Task Force (RIATF) na ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Tuguegarao para makontrol ang pagkalat ng covid 19.

Ito ay matapos makapagtala ang lungsod ng mataas na Average Daily Attack Rate na 31.80% kung saan ito ang pinakamataas na ADAR mula sa mga probinsiya at lungsod sa buong Region 02.

Naitala rin ang pinakamataas na bilang ng nasawi sa isang araw lamang na umabot sa siyam dito sa lungsod.

Kaugnay nito, inaabisuhan ang publiko na tanging ang mga essential travels lamang ang pinahihintulutan at istriktong ipatutupad ang paggamit ng COVID SHIELD CONTROL PASS.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa mga kawani ng gobyerno, frontliners, at mga miyembro ng academe ay maari na lamang i-presenta ang inyong mga ID.

Pinahihintulutan pa rin ang BACKRIDING ngunit kailangan ng Barangay Certification na magsasabing ang drayber at sakay nito ay nakatira sa iisang bahay lamang.

Pansamantala namang sinuspendi ang operasyon ng public transportation.

Mahigpit na ipapatupad ang LIQUOR BAN kung saan bawal ang pagbili at pagbenta ng mga nakalalasing na inumin lalong lalo na ang pag-inom sa mga pampublikong lugar.

Ipinagbabawal rin ang MASS GATHERINGS habang limitado lamang sa virtual masses ang lahat ng Religious Gatherings.

Iiral naman ang 8:00PM hanggang 5:00AM na CURFEW Hours.

Pinapayagan naman ang mga talipapa na mag-operate araw-araw maging ang mga naitalagang SATELLITE MARKETS at Limitado lamang sa TAKE-OUT at DELIVERY ang mga kainan o restaurants.