
Mahigit pitong libong tricycle driver sa Tuguegarao City ang nakatanggap ng limang libong pisong fuel subsidy mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay Mayor Maila Ting-Que, nasa 7,494 na tricycle driver ang nakatanggap ng tulong pinansyal na nagmula sa national government sa pamamagitan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ng alkalde na naging maayos at mabilis ang pamamahagi dahil sa paghahanda ng listahan ng mga benepisyaryo bago pa man ang payout.
Sinabi rin niya na may ilang tricycle drivers ang na-disqualify dahil sa ibat ibang dahilan, tulad ng pagtanggap ng tulong mula sa DSWD sa loob ng tatlong buwan at hindi pagiging residente ng Tuguegarao City.
Habang sa mga napaulat na nawawala ang pangalan sa listahan ay ive-verify ito ng DSWD.
Bukod pa rito, inanunsyo ni Mayor Que na mamimigay rin ang lokal na pamahalaan ng tulong sa nasa mahigit dalawang libong registered farmers sa lungsod sa April 13 para masiguro ang food security.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na maging mapagpasensya at unawain na may mga sektor na mas nangangailangan ng tulong dahil mas malaki ang epekto nito sa buhay ng nakararami.










