TUGUEGARAO CITY- Iginiit ni Mayor Jefferson Soriano na pansamantala ay nasa Enhanced Community Quarantine pa ang Tuguegarao City habang naghahanda ang papunta sa General Community Quarantine.

Sinabi ni Soriano na kailangan nila ng sapat na panahon para makatawid sa GCQ dahil sa kailangan na maitugma ang kanilang ipatutupad na mga hakbang mula sa national government at mga government agencies.

Gayonman, sinabi niya na ang ipinatupad na ngayong araw na ito ang pamamasada ng mga tricycle kaakibat ang ilang patakaran tulad na lamang ng isa lang ang dapat na isakay at may number coding ang mga mamamasada.

Bawal din aniya ang pag-angkas sa motorsiklo.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, sinabi niya na babalangkas pa sila ng protocol para naman sa mag-asawa na kailangang sumakay sa isang motorsiklo lalo na kung pareho ang kanilang pinapasukang trabaho.

Kailangan din aniya ang travel pass para sa mga magmumula sa ibang bayan ng lalawigan na ito ang ipapakita sa mga checkpoints kung papasok ng Tuguegarao.

Sinabi pa niya na hindi maaaring pumasok sa lungsod at sa lalawigan ang mga residente na mula sa mga lugar na umiiiral ang ECQ.

Kasabay nito, sinabi ni Soriano na bagamat bukas na ang ilang establishments ay bawal pa rin ang pagbebenta ng mga alak dahil sa umiiral pa rin ang liqour ban.

Kaugnay nito, muling umaapela si Soriano sa publiko na bigyan sila ng sapat na panahon upang maitupad ang lahat ng kanilang binabalangkas na mga protocol para sa GCQ.