
Bumaba ang unemployment rate sa Pilipinas noong Pebrero sa 5.1 porsiyento, mula sa 5.8 porsiyento noong nakaraang buwan na itinuturing na pinakamataas mula pa noong panahon ng pandemya, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.66 milyong Pilipinong walang trabaho, mas mababa kumpara sa 2.96 milyon na naitala noong Enero.
Ang pagbaba ng unemployment ay kasabay ng pagdami ng mga Pilipinong pumasok sa labor force, kung saan tumaas ang participation rate sa 63.8 porsiyento o 52.09 milyon, mula sa 62.3 porsiyento o 50.89 milyon noong nakaraang buwan.
Bahagya ring umangat ang employment matapos tumaas ang rate nito sa 94.9 porsiyento, katumbas ng humigit-kumulang 49.43 milyong Pilipino, mula sa 94.2 porsiyento o 47.94 milyon noong Enero.
Samantala, bumaba ang underemployment rate sa 11.8 porsiyento, na nangangahulugang nasa 5.84 milyong employed na Pilipino ang naghahanap pa ng dagdag na trabaho o mas mahabang oras ng trabaho upang madagdagan ang kanilang kita—mula sa 6.35 milyon noong nakaraang buwan.










