Mariing kinondena ni United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang agresibo at iligal na mga aksyon ng China Coast Guard laban sa mga mangingisdang Pilipino sa Sabina o Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang pahayag sa kanyang official X account, sinabi ng US envoy na ang paggamit ng CCG vessels ng water cannon at ang pagputol ng anchor lines ng Filipino fishing boat ay naglagay sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa panganib.

Pinuri rin ni Carlson ang Philippine Coast Guard sa agarang pagtulong sa mga biktima at sa pagtatanggol sa sovereign rights ng Pilipinas.

Una rito, kinumpirma ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na tatlong mangingisdang Pilipino ang nasugatan matapos atakehin ng mga barko ng China Coast Guard at Chinese maritime militia ang kanilang mga bangka gamit ang water cannon at nagsagawa ng mapanganib na pagharang noong Disyembre 12 malapit sa Escoda Shoal, sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.