Naglabas ang Embahada ng Amerika sa Maynila ng security alert nitong Biyernes para sa mga mamamayan nila sa Pilipinas kasunod ng pagkamatay ng dalawang Amerikano sa sinasabing sagupaan sa Toboso, Negros Occidental.

Ayon sa embahada, kabilang sa mga “areas of heightened concern” ang mga kanayunan at kabundukang bahagi ng Leyte, Mindoro, Negros, at Samar.

Dalawang US citizen ang kabilang sa 19 na nasawi sa isinagawang operasyon ng Philippine Army laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Salamanca noong Abril 19.

Binigyang-diin ng embahada na ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng pamahalaan ng US at Pilipinas, at nagbabala na ang sinumang mapalapit sa grupo ay nasa panganib ng pagkakaaresto, pagkasugat, o pagkamatay.

Pinayuhan din ang mga Amerikanong nasa bansa na sumunod sa lokal na batas, umiwas sa mga lugar na may mataas na panganib sa seguridad, at huwag makipag-ugnayan sa mga armadong grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagdaos ng vigil sa harap ng Philippine Consulate General in New York para kina Lyle Prijoles at Kai Sorem, na kinilalang kabilang sa mga nasawi sa insidente.

Nauna nang itinanggi ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA ang ulat ng militar at iginiit na may mga sibilyan umanong kabilang sa mga nasawi, kabilang ang isang magsasaka at mamamahayag.

Sa kabilang panig, iginiit ng militar na kumilos ang mga sundalo ng 79th Infantry Battalion nang naaayon sa umiiral na batas at sa International Humanitarian Law.