
Humiling ang gobyerno ng Estados Unidos sa Pilipinas ng extradition ni Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng mga kasong sex trafficking at racketeering na kinakaharap niya sa US.
Ayon kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel “Babe” Romualdez, naipadala na ang pormal na kahilingan sa Department of Justice (DOJ).
Si Quiboloy ay inaresto noong Setyembre 2024 dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking case sa isang korte sa Pasig.
Noong 2021, nagsampa ang US prosecutors ng mga kasong sex trafficking laban kay Quiboloy, na inakusahan ng pamimilit sa ilang kababaihan at menor de edad na makipagtalik sa kanya at sa iba pang opisyal ng Kingdom of Jesus Christ.
Samantala, sinabi ni Department of Justice spokesperson Polo Martinez na wala pa silang opisyal na natatanggap na dokumento mula sa Estados Unidos hinggil sa extradition request.
Ayon sa DOJ, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang unang tatanggap ng ganitong uri ng kahilingan alinsunod sa Philippine-US Extradition Treaty.










