
Inihayag ni Vice President Sara Duterte na walang kalakip na mga ebidensiya ang pinakahuling impeachment complaint na inihain laban sa kanya.
Sinabi niya ito sa kanyang video message sa kanyang Facebook page, isang araw matapos na dalhin ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil ang dalawang impeachment complaints laban sa kanya sa tanggapan ni Speaker Faustino Dy III.
Ang unang verified complaint ay inihain ng Makabayan Coalition habang ang pangalawa naman ay inindorso nina Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima and Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.
Sa kanyang video message, tinukoy ni Duterte ang impeachment complaint na inindorso ng Akbayan.
Ayon sa kanya, ang nasabing reklamo ay isang papel na walang kalakip na anomang ebidensiya na magpapatunay sa mga alegasyon laban sa kanya.
Idinagdag pa ni Duterte na hindi na ito bago.
Sinabi niya na kung matatandaan, ang impeachment ang sagot sa kanya nang umalis siya sa gabinete, na kanyang ginawa dahil hindi umano maipaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na kahirapan sa bansa dahil sa kapabayaan at mga bisyo.
Sinabi pa niya na walang maipakita ang mga nag-aakusa sa kanya na mga ebidensiya ng katiwalian kaugnay sa paggamit niya ng confidential funds.










