
Wala pang indikasyon kung dadalo si Vice President Sara Duterte sa House Committee on Justice bukas, kaugnay sa pagpapatuloy ng pagdinig sa impeachment complaints laban sa kanya.
Sinabi ni House Committee on Public Accounts chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na wala pang abiso mula sa kampo ni Duterte kung dadalo ang bise presidente sa proceedings.
Nakatakdang itutuloy bukas ng House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang deliberasyon sa impeachment complaints, kung saan inimbitahan si Duterte na dumalo at sumagot sa mga alegasyon laban sa kanya.
Iginiit ni Ridon, miyembro ng panel na mahalaga ang partisipasyon ni Duterte sa proceedings, dahil ito rin ang magbibigay sa kanya ng oportunidad na sagutin ang mga reklamo laban sa kanya sa harapan ng mga mambabatas.
Sinabi naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega V , ang nag-endorso ng ika-apat na impeachment complaint, hindi lamang ito usaping pulitikal, at bahagi aniya ito ng constitutional duty ng mga public officials na sagutin ang mga seryosong mga alegasyon.
Idinagdag pa niya na ang proceedings ang tamang venue para kay Duterte na ipaliwanag ang kanyang panig at sagutin ang mga inaakusa sa kanya.
Tiniyak din niya na makatitiyak si Duterte ng patas at due process sa proceedings.










